Biyernes, Marso 21, 2014

Tassel on the Right



Naalala ko noong Enero naisipan kong pumunta ng mall para magpasalon. (Naks! Ganda problems ang peg ng lowla mo).
Hindi naman weekend kaya alam kong sa ganitong panahon ay hindi masyadong matao pero sa labis kong pagtataka, anong meron at ang lahat ng salon ay puno? Samantalang hindi pa naman araw ng mga puso. Dahil mainipin akong tao, nagbago na ang isip ko. Sa ibang pagkakataon na lang siguro.

Bago umalis sa huling salon na pinuntahan ko na may waiting time na isang oras at tatlumpung minuto, nahagip ng pandinig ko ang pag-uusap ng dalawang estudyante. Sila'y nag-uusap kung ano daw magandang pose sa creative shot nila. Kaya naman pala, graduation pictorial na kaya sila nagpapapogi't nagpapaganda.

Sa susunod na buwan, paniguradong kalat na naman sa social media ang mga larawang suot ang itim na toga o di naman kaya'y ang creative shot nila. Congratulations! Ga-graduate ka na!
Sa loob ng apat, lima o higit pang taong ginugol mo sa eskwela,
marami kang hindi malilimutang karanasan at alaala,
mula sa first day na wala kang kakilala hanggang sa magkaroon ka ng mga balahurang kabarkada;
sa professor mo sa minor na kung magbigay ng quizzes at projects daig pa ang iyong major subjects;
sa nakakanosebleed na midterms at final exams;
sa pagpupuyat sa thesis at paghahanda sa defense;
sa uno, tres, singko na iniyakan mo (passed, incomplete, failed);
sa excuse letters at waiver mong pinapirma mo lang sa iyong kaklase;
sa pagsali sa orgs, pag-attend ng general assembly at synergy;
sa pagkafall in love, fall out of love, broken heart, friendzone at iba pa;
sa pagkakaron ng mga kaibigan na mas kinikilig pa sa iyo pag nakikita ang crush mo;
sa pagtulog o pagcut ng klase o kahit sa ano pang karanasan na hindi ko naisali;
Pag nagsimula ka nang magtrabaho, pustahan lahat 'yan mamimiss mo. (Pag ako natalo, Halik ni Judas ay matitikman mo.) 

Sa panginginig ng tuhod mo pag kaharap mo ang iyong terror na professor, lahat iyan mapaparam na 'cause NOW, YOU'RE GOING TO SAVOR THE FRUIT OF YOUR LABOR. Makikita ka na ng iyong magulang na magmamartsa, tatanggap ka na ng diploma. Ang sarap ng feeling di ba?

Pero kung sa dalawang minuto ang takbo ng buhay mo'y biglang nagbago? Sa alegasyong ika'y nagsinungaling at nilabag ang honor code na patakaran, ang hatol ay dismissal sa iyong paaralan, sa isang iglap lahat ng iyong pangarap ay naparam, hindi naman yata makatarungan.

Kilala mo na siguro ang tinutukoy ko, exactly! Si Cadet First Class Jeff Aldrin Cudia nga gaya ng iniisip mo. Magdadalawang buwan o higit pa ng nagpetisyon ang kanyang pamilya subalit sa sistema ng pamahalaan na kung hindi pa uungkatin ng media, hindi pa gagawa ng paraan para masolusyonan ang problema. Sa bagal ng proseso ng gobyerno, huli na. Umabot na ng araw ng graduation ng hindi siya nakamartsa.
Halos lahat tayo ay sumubaybay at umasa lalo na ang mga magulang na nakikisimpatya na sana kahit kaunting konsiderasyon -- bawiin ang hatol at matanggap ang diploma sa araw ng graduation.
Kung labis ang ating pagkadismaya, ano pa kaya ang kanyang pamilya? Edukasyon lang ang natatanging mapapamana ng mga magulang sa kanilang anak. Kaya naman lahat ng hirap at pagsisikap kanilang kinakaya, maitaguyod lang ang pag-aaral at siguraduhing makatapos ang kani-kanilang anak. Kaya ikaw sanang nag-aaral pa, "Make your mama/papa proud" sana ang gawin mong daily motto.

"The committee recommended Cudia’s dismissal after he entered a class two minutes late and allegedly lying to justify it. - Philstar.com"

Wow, sana kapag ang mga pulitiko ang na-late sa mga appointments o gatherings, sibak agad sa pwesto. Marahil mas mainam pang solusyon yun para makamit natin ang pinakaaasam na world peace. At pagnahuling nagsinungaling under oath ang mga buwayang ito, di lang sana perjury ang kaso kundi yung death sentence na tulad sa palabas na final destination na madadaganan sila ng malalaking troso. Subalit pag may ganitong rule sa gobyerno, for sure madaming magdidisagree dito.

Ngayon ang huling desisyon sa kaso ni Cudia ay nasa pangulo,
Kung siya'y mabibigyan ng pangalawang pagkakataon
Ano nga ba kanyang ang kahihinatnan?
Ibu-bully lang ba sya kapag muli siyang bumalik sa eskwela para tapusin ang OJT n'ya?
Tanong : Magagamit ba niya ang RA 10627 (Anti Bullying Act 2013) na ngayon lang naikasa?

O mas mainam kung tuluyan na lang s'yang magbago ng direksyon lalo na't ang mga namamahala dito'y tinatahak ang maling landas? Wala sa atin ang huling kasagutan, kundi nasa mga taong ating binoto at pinagkatiwalaan.

Wakas.

Juanita Magdalena



Photo Courtesy: Showbiz Government page.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento