Huwebes, Marso 13, 2014

Feelings



Ooooops. Wait lang. Kung akala mo ito'y tungkol sa kalandian at imoralidad ng teleseryeng napapanuod mo sa telebisyon. Pwes, itigil mo na ang pagbabasa nito. Wag na tayong dumagdag pa sa kasamaan ng mundo. Wala ng space ang sungay ni Satanas dito.  Tungkol lang naman ito sa kung anong espiritu ang sumapi kay Mark Zuckerberg at bakit niya kaya nilagyan ng "feelings" ang mga status nyo.


At dahil pursigido ka ngang basahin ang walang kwentang artikulong ito. Hala, magpakasasa ka sa mga susunod na litanyang bibitawan ko. Muli kitang babalaan, mapupuruhan ka dito. Ilag-ilag na lang ha? Ayon sa survey na ako lang din naman ang gumawa. Ilan lamang ito sa mga sikat na "feelings" na makikita nyo sa mga pader ng ibang tao.

1. Feeling "meh"

- Hanggang ngayon di ko lubusang maisip kung bobo lang ba talaga ako o marahil may bagong ahensya ang Pilipinas na hindi pa nadiskubre ng mga taong tulad ko. Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang 'to? 

Hindi ko mawari kung ito ba'y onomatopeya ng tunog ng kambing, jejemon ng salitang 'me' (e.g. SaAn na yoOuH?!? pApunTa na Meh. Mwah!) o wala lng, trip lang ni pareng Mark.

Ayon sa aking pananaliksik, (kailangang may ganun para maniwala kayo),unang ginamit ito noong 1994 ng pamilyang Simpsons sa episode nilang "Slideshow Bob Roberts" at nabaybay naman ang salitang ito isang episode kung saan hinikayat ng iniidolo kong cartoon charater na si Homer Simpson ang mga anak na lumabas ng bahay sa halip na manood ng tv. ”Pero sinagot siya ng mga Bata ng "Meh" ”M-E-H”. Oh diba ang lalim ng pinanggalingan ng salitang ito. Source: WIKIPEDIA. 

So what? Wala lang naman. Ang punto ko dito, (ayan na ilag ka na), alam mo nga ba kung ano ang ibig sabihin ng nararamdaman mo? O sabay lang sa uso? Minsan, tayong mga tao, sumasabay lang sa kung anong trip ng karamihan. Hindi na ako magtataka na kung trending na din ang pagkain ng tae sa buong mundo, marahil sasabay ka na rin dito.

2. Feeling contented

-May mga tao nga naman talagang expressive. Hindi natin 'yon maikakaila.
 Meron din namang mga taong nasa budhi na ang pagbabalat-kayo. Mas lalong hindi natin 'yon maikakaila.

(Ilag ka pakanan ha, susuntok na ako pakaliwa). Ito yung mga taong pahumble kung magyabang. Sabi pa nga ng kaibigan kong isa ring di tanyag na manunulat: ”Too much humility is pride."
Ito ang iilan sa mga halimbawa ng kanilang mga posts sa FB:
a. POST: Ang ganda sana ng specs ng iphone5 pero kuntento na ako sa kung anong meron. Thanks for the iphone 4s Daddy! I love you so much! Mwah! -feeling contented.
SALOOBIN: Konti na lang idadagdag eh, iphone 5 na sana. Tsk. Kuripot talaga si Dad!

b. POST: Ang daming sale sa mall! Pero I'm still happy sa binigay ni boyfie na gift. It's the thought that counts. Love! Love! Love! -feeling contented.
SALOOBIN: OMG! Nakakahiya namang isuot to, walang brand. 

c. POST: Ansarap sa feeling tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Nakakapagod pero fulfilling. I feel more contented with my life now. -feeling contented.
SALOOBIN: Joke! Duh. For the grade lang naman to. Sana mabasa ni sir, nasira ang nail polish ko kakapack ng goods eh. 


3. Feeling sad

- Sa uulitin, may mga tao naman talagang expressive lang. Pero kung nabugbog na kita sa aking mga salita, aba'y ipractice mo na ang iyong "freedom of expression" at magyabang ka na ng talino mo sa comment sa baba. Ito lang masasabi ko. Mark my words. Read my lips. (Tinig ni Tulfo). WALA. AKONG. PAKIALAM. 

Okay, Back to the topic. Ito yung mga taong nagpapalabas ng sama ng loob sa fb (hindi ba obvious?). Sila yung laging melodramatic ang simula hanggang katapusan ng araw, linggo, buwan, taon at dekada nila. Tila ba wala ng natirang kasiyahan sa mundo o pwede ring hindi pa talaga sila nakapanuod ng episode ng Shake, Rattle and Roll kung kaya't hindi nila alam ang salitang joke. In short, Sila yung hyperbole ng kaartehan. Pero minsan nga naman totoo yung feelings nila. Feelings upang maghanap ng makakapansin at magkakalinga daw sa kanila. In short again, naghahanap ng lalandi. 

Halimbawa:

a. Bagsak na naman ako sa major. :( -feeling sad
-so bakit ka nakafb? Tataas grade mo sa post na to. Ganon? Nasa Unibersidad ka para mag-aral. Hindi para umarte.

b. In engineering class, 1+1=?. In engineering exam. 1+1^(Sum of the gravity of the sun and the moon)=?. Haaaaay. Ang hirap ng exam. -feeling sad
- Matanong ko lang, ilang taon ka na sa kurso mo? O saang kurso ka nagshift? Pakatandaan: Hindi batayan ang hirap ng kurso. Nasa tao yan. Marami akong kilalang mga nagsipagtapos sa kursong ito sa tamang oras at ngayo'y ganap ng mga enhinyero. Wala akong nakitang ganyang post nila sa FB. Kasi alam mo bakit? Siguro nag-aaral sila. Hindi nagdadrama. (Masakit ba? Pwede ka ng mag-"freedom of expression" sa baba.)

c. Oh my gosh! Nakita ko si crush kasama ang GF nya! Ang sakit. Huhuhu -feeling sad.
-Fan ng Star Cinema at Precious Hearts Romance.


Sa kabuuan, Bakit ko nga ba isinulat ito? Para masummarize ang feelings ko para sa mga taong ito:

1. Sa iilang pinuno ng Unibersidad at SSC - ”feeling meh”
2. Sa ating Pamahalaan - "feeling contented"
3. Sa Kawanihan ng Rentas Internas at sa buwis na binabayaran -"feeling sad"

Reminder for all the Filipino citizens and netizens alike: 

Pay your taxes on or before April 15,2014. 
Give to Cesar what is due to him And let God do the rest for us. 




John DC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento