Huwebes, Marso 13, 2014

Mission Impossible




1. BOMBA. TANGKE DE GIYERA. BACKPACK NI DORA. 

Ito yung mga salitang sa tuwing naririnig ng mga taga-Maynila, ang unang pumapasok sa kanilang utak ay ang masaker sa Shariff Aguak. 

Sa tuwing tayong taga-Mindanao ay napadako sa bandang hilaga at may bombang sumabog tayo agad ang iniisip na maysala. Bakit nga ba tingin nila sa lahat ng mga kapatid nating Muslim ay laging salarin? Hmmmm. Teka muna! Kapag sinabi ko pong bomba, hindi yun putok sa katawan o ano mang uri ng kabastusan ha? 

Idefine nga natin ang bomba para sa ikaliligaya ng ating mga conyong mambabasa. Ang bomb is yung nag-eexplode at you know, daming makikill na human beings like its capital B-O-O-M. BOOM! Ahah hah hah!(Pakiimagine ng tinig ng artista na dating asawa ng basketbolista)

Nung ako'y lumuwas ng maynila para sa isang training, may mga nakausap akong mga estrangherong Manileño.

Manileño 1: Maganda ba ang Davao?
Probinsyano: Ahh. Opo. Siyempre.<*ehem*> Yung mga bla bla bla bla bla po magandang puntahan. Walang paputok kapag pasko at bagong taon, hindi masyadong trapik, wala masyadong polusyon.
Manileño 2: Dinig ko peaceful daw ang Davao?
Probinsiyano: Aba'y opo! Bawal ang backpack sa siyudad, magaling ang mayor namin, walang  mandurugas at pusher doon! Bla bla bla bla bla bla. 
Manileño 1: Ahh basta, kahit na! Mindanao pa rin! Nakakatakot!
Probinsyano: (Ano tingin nyo sa buong Mindanao, isang malaking Amityville House?) Ahh. Ganun po ba. Okay po. <*ngiting plastik*>
Manileño 2: Ayaw mo bang magtagal dito sa Maynila?
Probinsyano: (Ayoko! Baka mabombahan ko kayo pareho) Ahh. Mas gusto ko pong hindi malayo sa pamilya eh. <*ngiting nanununtok*>

Moral lesson: Don't talk to stangers especially narrow-minded ones.
In case sinapian kayo ng espiritu ng pagiging makitid ng dalawang 'to at hindi niyo pa rin gets kung sino itong probinsyano, true to life story ko po pala 'to.

Naalala ko din yung asawa ng pinsan kong mas minabuting hindi na pumunta ng Davao sa takot ng giyera sa Zamboanga. Like duh! You know the layo ba ng Zamboanga from us? Its like sooo malayo! Ahah hah hah (Tinig ulit ni...  Wag na lang, quota na ako.)

Dagdag pa ng asawa ng pinsan ko, "Mas gugustuhin ko pa ang bagyo dito kaysa sumalo ng bala diyan sa inyo". Haaaaay! Tanga ay este tao nga naman, sana lang alam niya na mas madalas pa ang bagyo sa kanila kaysa sa giyera dito. Pero minsan kapag nasa Maynila ka may positive effect naman ang pagiging taga-Mindanao.

Scenario 1: HOLDAPAN
Taga-Maynila: Holdap to! Akin na ang cellphone at pera mo!
Taga-Mindanao: Taga-Mindanao ako. <*Indiferrent Face*>
Taga-Maynila: Ay sorry bro. Ito kutsilyo ko, swiss knife to. Sayo na lang. :)

Scenario 2: SIKSIKAN SA MRT
Taga-Maynila: (Nakipagsiksikan)
Taga-Mindanao:(Pumasok) Taga-Mindanao ako. <*Indiferrent Face*>
Taga-Maynila: (Lumabas lahat sa MRT)

Scenario 3: AWAY SA KALYE
Taga-Maynila: <*Sensored*> TOOT! TOOT! TOOT!
Taga-Mindanao: Taga-Mindanao ako. <*Indiferrent Face*>
Taga-Maynila: Joke lang pre. Alis na ako ha? Regards kay Duterte. Ingat ka sa daan, daming loko-loko dyan.

Ang hirap kasi sa iba, kapag nakabandana tingin nila agad terorista. Alam niyo ba ang Labeling Theory sa Sociology? Kapag nagkataon at naging Labeling Law na yun, naku! Ingat na kayo, magiging terorista na kami lahat dito dahil sa panghuhusga ninyo.

2. SUNDALO. MANLALARO. PACQUIAO. 
(Alam ko po, Hindi sila rhyme. Masaya ka na?)

Salamat sa media at narinig ng bansa ang kwento ng isang talentadog bata. Sa murang edad, si Michael Christian Martinez ay isa sa mga nagpatindig ng balahibo sa sambayanang Pilipino. Hindi dahil naririndi tayo kasi isa siyang sinungaling na pulitiko kundi dahil isa siyang atletang nagbigay karangalan sa ating bansa dahil sa kanyang mga nagawa. 

Mga kabataan, si Martinez ay dapat tularan. Teka muna! Patapusin mo ako. Hindi kita pinipilit mag Figure Skating din, okay? Wag OA. Ang punto ko dito, paghirapan natin ang bagay na nais nating makamit. Walang shortcut sa buhay. Bukod kay Lam-ang, may kilala ka pa bang nung isilang nakakapagsalita agad? Kung meron, punta ka sa istasyon namin at bibigyan kita ng wampoynt at jacket!

Matanong ko lang sa mga kabataan. Kilala niyo pa ba sina Paeng Nepomuceno, Flash Elorde, Lydia de Vega at Efren Bata Reyes? 
Weh? Di nga? Sige nga, anu-ano ang kanilang mga sport? Belat!(Sa mga bisaya: Wag bastos, Wikang Filipino po ang binabasa niyo) 

Yung iba, kunyari kilala nila para "in" at hindi nagmumukhang tanga. Huwag kasi puro Kim Bum at Lee Min ho ang ating iniidolo. Huwag yung pagmememorize ng mga tunog alien na lyrics ng kanta ng mga karatig bansa ang inaatupag mo. Sorry sa pangingialam ng trip mo pero magtatanong ako ulit ha? Memoryado mo rin ba ang ating Panatang Makabayan? 

Si Manny Pacquiao at si Robert Joshua Danao, pareho silang world champion pero alam kong isa sa kanila ay marahil hindi mo kilala. Ang isa larangan ng Boksing at yung isa naman ay sa Martial Arts. Bakit ko 'to sinasabi kamo? Minsan kasi ang pinapansin lang ng ating pamahalaan ay yung kung sino ang may malaking buwis ang pinagkukunan. Nakakalungkot mang isipin na mas pinapansin pa ng media at gobyerno ang rape case ng isang artista kaysa sa isang dapat kapurihan na atleta. <*sigh*>

3. FRANCISCO BALTAZAR. MARCELO H. DEL PILAR. JOHN DC. (Naks!)

Wag seloso, gumawa ka din ng artikulo mo. Pero joke lang, syempre naman hindi ko pwedeng ihambing at ipagmayabang ang kakarampot kong alam sa mga taong 'to. Pero di hamak namang <*ubo.ubo.ubo*> mas gwapo ako. Haha. Masyadong bang narcissistic? Nahiya naman ako sa kakaselfie mo. 

Lahat naman tayo ay ginawang magaganda't gwapo ng Diyos eh, di nga lang pareha ng level. Ah basta, sabi sa Bibliya ginawa tayo sa imahe Niya. Aba'y syempre ang Diyos natin ay perpekto, kung tingin mong pangit ka, marahil iba ang iyong sinasamba. 

Bakit nga ba ang tao, sariling mukha agad ang hinahanap sa litrato? Marahil nga nakatattoo na ang pagiging makasarili sa ating mga buto.

Sa mga nagtatanong nga pala kung sino ako(Naks! Gumaganun!), malamang nagtataka kayo kung bakit ko kailangang itago ang tunay kong pagkatao. 

1. Kapatid mo ba si Bob Ong?
-For the nth time po, kung si master Bob ang buhok ako yung dandruff. Kung siya ang ilong ako yung kulangot. Kung siya yung puwet ako yung tae. Nilait ko na sarili ko nang todo. Okay ka na ba dun?
2. Political Science ba kurso mo?
-Hindi lang po PolSci ang kursong may alam sa batas. Alam mo ba kung bakit? May google na po tayo ngayon. 
3. Propesor ba kita?
-Hindi pa naman siguro bored ang mga propesor sa pagteterrorize sa atin kaya't sa tingin ko wala silang oras sumulat ng ganito.

Para sa akin po, hindi niyo kailangang malaman kung sino ako. Bakit? Ang sulat ko ang nais kong mabasa niyo at hindi ang talambuhay ko sa FB. Isa pa, kapag nalaman niyo baka gumawa kayo ng kulto para sambahin ako. Joke. Bumabawi lang ako sa ginawa kong panlalait sa sarili ko sa taas. Pero, sige pag-iisipan ko. Baka sakaling makabili din ako ng chopper sa mga abuloy ninyo sa gagawing simbahan ko. Haha. BOOM! Baka ifiring squad o di kaya'y ipakulam ako ng mga naglipanang kulto dito sa Pilipinas.

Teka, yun yung maganda sa hindi ko pagiging kilala eh. Hindi sila makakagawa ng voodoo doll na mukha at katawan ko ang replica.  

Si Baltazar ay gumamit ng Balagtas.
Si Del Pilar ay gumamit ng Plaridel.
Si _________ ay gumamit ng John DC. (Pinupush ko talaga eh no?)

Sa tingin mo, ano ang aming pagkakapareho? 
Kakailanganin ko rin bang mamatay at gawan ng rebulto bago ako marinig ng kapwa ko Pilipino? 

At sa pagtatapos ng artikulong to, bakit Mission Impossible ang pinili kong titulo?

Ganito lang yun,
1. Kahit ilang bomba pa man ang pasabugin, ilang tangke ang patakbuhin at ilang backpack ang inspeksyunin, hindi pa rin tayo dinig ng nagbibingibingihan nating gobyerno.
2. Kahit ilang sundalo, manlalaro at Pacquiao man ang mamatay sa pag-eensayo, wala pa rin tayong sapat na boses sa senado. 
3. Kahit ilang Balagtas, Plaridel at John DC man ang dumaan, hindi pa rin mawawala ang katiwalian.

Pero sa mga nagdaang pelikula ng Mission Impossible, bakit laging nagwawagi ang bida? Dahil hindi naman talaga imposible ang misyong ginagawa nila. Oo, mahirap at delikado pero POSIBLE pa rin po ito.


John DC 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento