Huwebes, Marso 13, 2014

Adobo Chronicles


Kamakailan lang, may mambabatas na nagpasa ng panukalang gawing pambansang pagkain ang adobo. Mayroon ding mga mambabatas na nagpasa ng panukalang patawan ng parusa ang mga sumisingit sa mga pila. Sana, may magpanukala ring ipagbawal ang mga walang saysay na mga batas at mga walang kwentang mambabatas.

Ngunit pag-usapan natin ang adobo. Ngayon pa lang, hihingi na ako ng paumanhin sa mga kapatid nating Muslim. Masarap nga naman ang adobo, lalo na ‘yung pork. Ang hihilig talaga ng mga mambabatas sa “pork,” no?

Na magbibigay flashback sa atin noong kasagsagan ng bagyong Janet sa bansa. Sa positibong perspektibo, dahil d’on, nagkaisa ang lahat ng mga Pilipino sa paglaban sa mga gan’ong klaseng kababuyan. May naganap pa ngang malawakang rally sa iba’t ibang parte ng bansa. Ngunit, kumusta na ba ang imbestigasyon sa Pork Barrel Scam?

Nakalimutan na yata.

Sa kabilang banda, kumusta na ba tayo bilang sambayanang Pilipino? Kumusta na ba ang pagiging mapagmatyag natin sa mga isyung tulad nito? Kumusta na ba ang ating collective attention span? Sasang-ayon ka ba kung sasabihin kong may attention span tayo ng isang tipaklong? O, attention span na kasing haba ng buhok ni Bembol Roco?

Napakaraming isyu ang umagaw sa atensyon ng mga Pilipino mula sa Pork Barrel Scam. ‘Yong tipong “of national security” tulad ng:

1. Relasyon ni Freddie Aguilar sa isang 16-year-old na dalaga
-Kung may nainggit man sa love life ng matandang singer, malamang si PNoy. And those people in their sad, solitary midlives.
2. Pagkakabugbog ni Vhong Navarro
-Ngunit mas nabugbog si Deniece sa social media.
3. “Flesh-eating bacteria” sa Pangasinan.
-Gullible much? Nasa utak na natin ‘yang flesh-eating bacteria, matagal na.
4. Pagbabalik ni Vhong sa Showtime
-Wala na kasi siyang pambili ng bigas.
5. Lahat ng pangyayari sa buhay ni Kris Aquino
-Kung ang adobo ang hihiranging national food, eh ‘di si Kris Aquino dapat ang ating national pastime.
6. At Kris. Kris. Kris. Kris. Kris. 
-Repeat until fade.

Kaya siguro hindi natatakot ang mga politiko sa paggawa ng mga kababuyan eh dahil alam nilang makakalimutan lang naman natin ‘yon. May isang mamamahayag na nakapagsabing ang mga isyu sa Pilipinas ay may maximum shelf life lang ng two or three weeks. Kung nag-hashtag ka ng #prayforvhongnavarro, eh sana’y nag-hashtag ka rin ng #prayforlongerattentionspanofFilipinostosensiblenationalissues.

‘Wag niyo akong masamain, kahudas. Pero hindi naman natin maide-deny na paulit-ulit na lamang ang mga nangyayari sa tuwing may eskandalong kinakasangkutan ang mga may posisyon sa gobyerno, dahil sa kalauna’y nakakalimutan na lamang natin. Ano ba ang nangyari sa ZTE-NBN, Malampaya, at Fertilizer Scam?

Napawi na ng hampas ng alon sa dalampasigan. Dinala na ng hangin… 

At anong nangyayari sa mga maysala? ‘Yun, humahantong sa wheelchair. Nagkakasakit ng kung anu-ano. Sana nga magkatotoo ang mga sakit nila. Ngunit alam mo ba na may cyst daw sa ovary si Janet? #prayforjanetlimnapoles

Gustuhin ko man silang tirahin nang ilang beses—insultuhin ang kanilang pagkatao, ang kanilang mukha, ang kanilang ilong, ang kanilang budhi; sumpain ng eternal damnation sa mainit na dagat ng apoy, putik at asupre sa impiyerno; sunugin ang kanilang effigies, duraan o ihian ang kanilang mga litrato, i-photoshop at gawing katatawanan ang kanilang mugshots—ngunit, sa bandang huli, malaya pa rin sila mula sa rehas na dapat nilang paglagyan. At higit sa lahat, nakakapaglaro pa rin sila ng Bejeweled tuwing may hearing sa Senado, nakakapunta dito sa Gensan upang magpapogi sa Kalilangan, at nakapagpapa-sexy. 

Palaging hindi sapat ang mga letra o salita. Hindi lang ang mga akda ni Brodsky at Solzhenitsyn ang nagpabagsak sa rehimeng Unyon Sobyet. Hindi lang mga titik ang nagpatalsik kay Marcos. Ano ang pinakamalakas na katalistang ating kailangan? Ang mga taong nagkakakaisa para sa pagbabago.

Pero siguro’y gan’on na nga ang takbo ng sistema ng hustisya sa bansa. Ngunit, ulit, kung patuloy lang sana ang pagkundena at paglaban natin sa mga tiwali, marahil ay may mangyayari. Kung ‘di lang sana natin kinakalimutan. Kung ‘di lang sana natin kinakalimutan. Kung ‘di lang sana natin kinakalimutan…

Repeat until fade.

Judas DC 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento