Martes, Abril 8, 2014

Suicide




Maliban sa buwis, ang kamatayan lang daw ang sigurado at hindi maiiwasan sa pagtira natin sa mundong ibabaw. Diretsahan: ‘wag mo namang pangunahan si Kamatayan. Excited much?

Ngunit dahil araw-araw naman tayong kinukompronta ng mga mabalasik at kagimbal-gimbal na mga realidad ng mundo—depresyon, pagkabigo, karahasan, kawalang-katarungan, opresyon, pagtatae, sipon, ubo, at sex life ni Kris Aquino—ay hindi nakakagulat na may naririnig tayong balita tungkol sa mga taong nagpapatiwakal. Idagdag mo na lang pala ang pang-iskolar na talakayan tungkol sa buhay ni Kris sa TV bilang isa sa mga kasiguraduhan sa mundong ito.

May isang Pranses na existentialist philosopher na nakapagsabing ang tanging solusyon sa mga nasabing realidad ay ang pagpapakamatay. Medyo ironic lang na hindi niya ‘yon nagawa dahil namatay siya sa isang behikyular na aksidente—subali’t pwede ring binangga niya talaga ‘yon. Kung nagkataon sigurong may sasakyan ako at bumibyahe, naka-on ‘yung FM, aba’y ibabangga ko rin ‘yung sasakyan ko dahil sa walang katapusang mga walang saysay at puro kabalbalan na mga kantang maririnig mo ngayon sa radyo. Idagdag mo pa ang pagsingit ng “Meh Ganun!?” at “Istoryaheee!” kada apat na segundo.

Ngunit sa seryosong punto de vista: Makakahanap nga ba tayo ng sapat na dahilan upang magbigti, maglaslas, magpasagasa, tumalon mula sa 5th floor ng Gaisano, umihi sa live wire, o mag-overdose ng Viagra?

Bumagsak at ‘di makaka-graduate? Ikumpara mo ang isang taong extension sa mga natitira pang taon ng iyong buhay. Alin ang gusto mong sayangin?

Iniwan ng boypren/gelpren? Ikumpara mo ang isang taong iniwan ka at nawala sa mga taong makikilala mo at darating pa sa buhay mo. Sino ba ang pag-aalayan mo ng buhay mo?

Sawa na sa buhay mo? Ikumpara mo ang buhay mo sa buhay ng ibang tao. Kung sa palagay mo’y wala ka nang magawa bukod sa pag-akyat sa puno, pagnguya ng mga dahon at paglura sa mga ito, tumingin ka sa baba at may makikita kang mga taong nakatingala sa iyo, at pinagtitiisan ang mga nilura mo.

Maging rasyonal. Kahit kailanman, walang bagay o pinagdadaanan na makapagpapababa ng halaga ng buhay mo. Napakahalaga ng buhay mo, kaibigan. Pasalamat ka nga at nabuhay ka, at hindi ka lang itinapon na nagsu-swimming sa loob ng condom, o natuyo sa dingding noong semilya ka pa lang.

Alam ko namang hindi mawawala sa atin ang pagiging emosyonal. Tao tayo, dinesenyo upang mag-isip at, to put in a modern sense, “to deym feels.” At sa palagay ko naman na ang bilang ng mga sikat na intelektwal na nagpakamatay rin ay nagpapatunay din nito. Ngunit sabi pa nga ng mga matatanda: Ang utak ay nasa pinakataas na bahagi ng katawan; nasa gitna lang ang puso; nasa ibaba ang... alam mo na. Ngayon, alin ba ang dapat masunod?

Ngunit, subali’t, datapwa’t, sasabihin mo pa ring “Don’t judge. You don’t know their story.” Tama ka. Ngunit, wala na naman tayong magagawa sa kanila eh: pinatid na nila ang hibla ng kanilang buhay. Ang pinagsasabi ko ngayon ay para sa mga buhay pa. Gago naman siguro ang dating ko kapag magpo-promote ako ngayon dito ng mass suicide. Ngunit pwede rin, kung gusto nating sumungkit ng Guinness World Record (Hiring: event organizer, 18 years old and above, preferably nakasinghot ng Vulca Seal). Upang madagdagan naman ang pwede nating ipagmalaki bukod sa pagiging nangungunang bansa sa larangan ng graft and corruption.

Ngunit, kung sangkot ka sa Pork Barrel Scam at/o kung anu-anong kababuyan sa gobyerno, hara-kiri na ‘yan! Labyu!

Wakas.

Judas DC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento