Lunes, Abril 14, 2014

Imoral ang RH Law!



BABALA: Hindi dapat basahin ng mga bata… at ng mga matatandang walang sense of irony.
***
Tingnan mo: hindi nanalo ang mga pambato nating sila Jodilly at Katarina sa Asia’s Next Top Model. Ang laki na sana ng tsansa nating manalo d’un: dalawa sa tatlo. Pinarusahan na tayo ng Panginoon dahil sa pagiging konstitusyunal ng RH Law na ‘yan!

Nagdesisyon na ang Korte Suprema. Konstitusyunal daw ang naturang batas. Naghahamon yata sila sa aming mga relihiyosong Kristiyano lalo na ngayong papalapit na ang Semana Santa. Akala niyo ba magpipigil kami sa pagkundena sa naging desisyon ninyo habang nag-aayuno kami? Akala niyo lang ‘yun. Hindi kami mawawalan ng lakas na kalampagin kayo kahit ‘di pa kami kakain ng karne sa Biyernes Santo!

“Triumph of reason over superstition,” banat ni Miriam Defensor-Santiago. Neknek mo matandang baliw ka! Anong reason-reason pinagsasabi mo diyan? Moralidad ang pinag-uusapan dito, santisima! At anong superstition? Pananampalataya ito! Matinding pananampalataya!

At heto pa, ang saya rin ng isa pang imoral na lukaret na nagngangalang Risa Hontiveros sa naging desisyon ng hukuman. Pero hindi na kami nagtataka na kahit ang ganda niya, napakaimoral naman ng kanyang ginagawa. Kasi ika nga ng 2 Corinthians 11:14: “And no wonder! For Satan himself transforms himself into an angel of light.” Kaya hindi ka nanalo bilang senador eh dahil sa pagsuporta mo sa RH Law na ‘yan! Kinarma ka na, ‘wag mo nang dagdagan pa!

Amang mahabagin, patawarin Niyo po sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa!

Ngunit buti na lang ay may pinadala ng langit na hindi sumang-ayon sa pagkakonstitusyunal ng RH Law na ‘yan. Sabi pa nga ni Jinggoy sa kanyang kolum: “Magiging laganap na ang premarital sex at teenage pregnancy sa kabataan.” Oh Jinggoy, alagad ka ng moralidad!

Ano nga ba ang magiging epekto ng makasalanang RH Law na ‘yan?

Paglalaruan na ng mga kabataan ang mga condom! Ano na lang ang isasagot natin sa kanila na kung sa murang edad pa lang ay magtatanong na sila ng “What’s that, Mama?” habang nakaturo sa condom? Alangan naman ang isasagot natin ay, “That’s a balloon, Bimby”? Susmaryosep, baka palobohin pa nila ‘yun! Ang oily kaya n’un! And it’s, oh my gosh, so dirty kaya!

At pills? Hindi ba ‘yan ang iniinom ng mga beki upang lumaki ang mga dede nila? Santisima! Baka gawing gummy bears ng mga baklitang nangagarap maging Miss Universe ‘yan! Dahil dito, lalaganap na rin ang homosekswalidad sa Pilipinas. Magiging theme song nila ang kantang “Born This Way” ng isa pang kampon ng kadiliman na si Lady Gaga (o baka ‘yung bago ngunit nakakairitang “Let It Go”)! At ano? Magiging messiah nila si Vice Ganda? Magiging santo nila ang mga sumasali sa “I Am Pogay”? Jusko! Tama talaga si Miriam Quiambao sa sinabi niyang “Homosexuality is a lie from the devil!”

Magiging laganap na nga ang premarital sex (PMS) at teenage pregnancy sa kabataan. Lolobo ang mga tiyan nila Inday sa murang edad! Ayon sa 2013 Young Adult Fertility and Sexuality Study, isa sa bawat tatlong kabataang Pinoy ay naka-PMS na. Ngayong konstitusyunal na ang RH Law na ‘yan, isa pa rin sa tatlong kabataaan ang magpi-PMS; ‘yung dalawa, magiging in denial—magiging mga sinungaling!

Basahin muna ang nilalaman ng RH Law bago magbigay komento? Neknek niyo. Paglalaruan niyo lang kami sa mga terminong nakakabalinguyngoy ginamit niyo d’un. At, para saan pa? Alam naman talaga naming maysa-demonyo ang mga nakasulat d’un eh. I-record niyo ‘yung mga nakasulat d’un at i-play pabaligtad (aka backmasking), sigurado kaming makakarinig kayo ng mga mensahe mula sa demonyo!

Kaya tayo binabagyo, nililindol, at dinidelubyo ay dahil sa mga kasalanan natin eh. Ngayon, dinagdagan niyo pa ng RH Law. At ano? Diborsyo ang isusunod niyo sa listahan ng mga makasalanang batas na ‘yan? Nakalimutan niyo na ba ang Yolanda? ‘Yung lindol sa Visayas? ‘Yung flesh-eating bacteria sa Pangasinan? ‘Yung pagkanta ni Anne Curtis? Susmaryosep! Ano bang mas malakas na delubyo ang gusto niyong mangyari, ha?!

Basta, napakaimoral talaga ng RH Law na ‘yan. Ipagdadasal na lang namin ang mga kaluluwa niyo nang ‘di matulad kay Michael Jackson na Illuminati na lumalangoy na ngayon sa dagat ng apoy at nagbabagang putik sa impiyerno!


Hindi kami titigil sa pagkundena sa RH Law, neknek niyo. At araw-araw kaming magha-hashtag #PrayForThePhilippines!


-Judas DC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento