Lunes, Abril 14, 2014

Sampung Utos ng mga Peymus



Para humupa ang tensyon sa kamara dala ng pagsasabatas ng RH Bill, bibigyan ko kayo ng pampachill na listahan ng mga peymus-peymusan.

1. Ibigin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng maraming selfie.
2. Kung kaaya-aya ang iyong mukha, siguraduhin mong kapag ika'y nagsalita ay hindi amoy mandirigma.
3. Huwag na huwag makialam sa lipunan; dapat mukha mo lang ang kanilang kawilihan.
4. Huwag magpost ng larawang malaki ang hinaharap kung alam naman ng lahat na ito ay gawang photoshop.
5. Huwag magnakaw ng quotes ng iba at ilagay sa caption ng iyong mukhang naka-retrica.
(Non-bailable offense ito; ipapanukala ni Sotto)
6. Huwag masyadong mamansin; dapat sa kagwapuhan/kagandahan mo ay mataas ang kanilang tingin.
7. Siguraduhin mong hindi ka naka-auto like. (Parang nag-exam ka lang nun tapos check your own paper; niloloko mo lang sarili mo)
8. Idelete ang pictures na hindi umabot ng 100 likes. Nakakalaos 'yun.
9. Kailangan miyembro ka ng mga grupong: "Bawal ang panget" o "Cute clan" at iba pang kapisanan ng mga jeje.
10. Siguraduhin mong maikli lang ang mga comments mo, para mysterious.

000

Unti-unti nang nagiging manhid ang mga pinoy. Nakakabahala. Nakakalungkot isipin na mas marami pang nakakaalam sa history ng dikya kesa sa batas na umiiral sa bansa.

Wakas.

P.S. Wala na naman ako sa timeslot. Tinopak na naman eh. 


Magandang umaga!

-John DC

REPUBLIC ACT 666



Babala: Ang kathang ito ay para sa matatanda na hindi na isip-bata. Kung maniniwala kang nakapaloob sa batas ang nasabi dito, aba'y igoogle mo ang RH LAW. Gullible much? -John DC

Para sa: Mga hindi pa nakabasa at wala pang alam sa panibago na namang kagaguhan ng Pilipinas.

Matapos ang mahaba-habang inuman ng mga nasa kongreso e tuluyan na ngang naisabatas at napatunayang konstitusyonal ang RH Law at tuluyan na ring nanaig ang tama. Dapat lang na maisabatas ito. Masyado na rin kasing malibog ang mga Pilipino kaya kailangan na rin natin ng bagay na magkokontrol sa atin—este sa inyo lang pala. Ayon naman sa nabasa ko e maganda naman siya dahil hindi siya kasing sama ng nakikita ninyo at walang dahilan para tuligsain natin ito. Yun din ang unang batas na nabasa ko na halos hindi na ginamitan ng Inggles di gaya ng ibang batas na taong may doctoral degree lang ang nakakaintindi. Nais ko lang ibahagi ang aking nabasa sa inyo baka sakaling magbago rin ang isip ninyo tungkol dito. (Sa mga nagtatanong kung saan ako kumuha ng kopya ko ng batas na ito, binili ko lang ito sa nasalubong kong adik sa daan kahapon. Trenta pesos dw ang isang buong kopya. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko naisip na isearch nalang yun sa Google saka ipaprint sa computer shop. Baka nakapag-Dota pa sana ako dun sa trenta pesos ko kung sakali. Tsk.)

Ito ang laman nung nabili kong kopya ng naturang batas:

HOUR EIGHTS LO
(Repulic Act 666 Batas ng Pilipinas kontra sa moralidad ng mga Pilipino.)

Sex-yon 1: Sa batas na ito, unang-unang ipinagbabawal ang pagkakaroon ng moralidad at respeto sa sarili lalo na sa mga babae. Hindi ka maaaring magkaroon ng dangal dahil ang batas mismo ang nagsasabi na hindi mo na kailangan yun. Pagsapit mo ng katorse-anyos e dapat hindi kana rin virgin. Grade 4 palang daw ang mga babae e dapat mayroon na silang mga boypren (requirement yun ng batas na ito). Magkakaroon ng one-by-one weekly inspeksyon sa mga ari ng mga babaeng edad nuwebe hanggang pataas sa bawat paaralan para walang takas ang mga pakonserbatib epek na babae. Ang sino mang mapatunayang lumabag sa batas na ito ay agad huhulihin at ipapadala sa kuta ni Freddie Aguilar para mabinyagan at magmumulta rin ng karagdagang sampung libong dolyar. Ganun rin sa mga lalaki, ang sino mang lalaking napatunayang virgin pa sa edad na nuwebe hanggang disi-otso anyos e agad ring dadamputin rin at ipapadala sa bahay nina Kathryn Bernardo(hoohoo!) o kaya ay kay Bea Binene(waaaahh!) ngunit upang magkape lang at makipagkwentuhan dahil pagkatapos nun e tuluyan na silang puputulan ng ari.

1a: Ayon nga sa nabanggit, magiging legal narin ang aborsyon. Legal na ang pumatay ng bata. Legal na ang pumaslang ng nilalang na ipinagkalooban ng Diyos ng regalo ng BUHAY para sa pansariling kapakanan ng mga tao. Magiging mas talamak na rin ang bentahan ng contraceptives at magiging ganap na businessmen na ang mga tindera ng mga de-boteng pampalaglag sa Quiapo. At dahil dun, special appearance narin sila na nakapatong sa balikat ng teacher sa commercial ng BIR.

Sex-yon 2: Sa mga mag-asawa naman, BAWAL ang pagkakaroon ng anak na hihigit pa sa dalawa. Kung sakaling magkakaroon ng ikatlo, kailangan nilang mamili kung: (1) Ipapalaglag ang bata o (2) Gigilitan sa leeg gamit ang nail cutter ang kanilang panganay na anak. Tanging ang mga kamag-anak o kakilala lang ng mga nasa pusisyon ang pwedeng ikonsidera. Ngunit pagsapit ng unang kaarawan ng bata, dadating ang DSWD upang pamiliin ulit ang mga magulang kung: (1) Kukunin ang bata at idodonate sa Crocodile Farm o (2) Itatali nalang ang bata sa buho saka lilitsonin sa harap nila.

Sex-yon 3: Kapag lumampas na sa 100 milyon ang populasyon (lampas na nga ata e?) ng mga Pilipino, magkakaroon ng Mass Killing sa mga piniling lugar ng Pangulo. Lahat ng tao e tuturukan rin ng lifetime pampabaog upang bumaba ulit ang populasyon sa 100,000. Sapat na raw yun na puhunan upang makapagparami ulit ang mga extinct nang mga Pilipino.

The end.


Kung tutuusin. Maganda ang batas na ito,hindi lang para sa atin kundi para narin sa mga susunod pang henerasyon. Ito raw magiging sagot sa kahirapan natin at hindi ang pagtigil sa pangungurakot ng mga pulitiko. Mas mabuti na raw na ang tao ang maghirap kaysa sa kanila. Kaya dapat lang na suportahan natin ang batas na ito. Ako nga nagawa kong magbago ng isip nung nabasa ko ito, ikaw magagawa mo rin kaya? Mag PRO kana! Suportahan natin ang RH Law! Suportahan natin ang pagkaubos ng mga pilipino! At suportahan natin ang tuluyan ng pagkasira ng pagiging konserbatibo ng bayang ito! Mabuhay ang mga Pilipino!

-Totoy Lazaro

Imoral ang RH Law!



BABALA: Hindi dapat basahin ng mga bata… at ng mga matatandang walang sense of irony.
***
Tingnan mo: hindi nanalo ang mga pambato nating sila Jodilly at Katarina sa Asia’s Next Top Model. Ang laki na sana ng tsansa nating manalo d’un: dalawa sa tatlo. Pinarusahan na tayo ng Panginoon dahil sa pagiging konstitusyunal ng RH Law na ‘yan!

Nagdesisyon na ang Korte Suprema. Konstitusyunal daw ang naturang batas. Naghahamon yata sila sa aming mga relihiyosong Kristiyano lalo na ngayong papalapit na ang Semana Santa. Akala niyo ba magpipigil kami sa pagkundena sa naging desisyon ninyo habang nag-aayuno kami? Akala niyo lang ‘yun. Hindi kami mawawalan ng lakas na kalampagin kayo kahit ‘di pa kami kakain ng karne sa Biyernes Santo!

“Triumph of reason over superstition,” banat ni Miriam Defensor-Santiago. Neknek mo matandang baliw ka! Anong reason-reason pinagsasabi mo diyan? Moralidad ang pinag-uusapan dito, santisima! At anong superstition? Pananampalataya ito! Matinding pananampalataya!

At heto pa, ang saya rin ng isa pang imoral na lukaret na nagngangalang Risa Hontiveros sa naging desisyon ng hukuman. Pero hindi na kami nagtataka na kahit ang ganda niya, napakaimoral naman ng kanyang ginagawa. Kasi ika nga ng 2 Corinthians 11:14: “And no wonder! For Satan himself transforms himself into an angel of light.” Kaya hindi ka nanalo bilang senador eh dahil sa pagsuporta mo sa RH Law na ‘yan! Kinarma ka na, ‘wag mo nang dagdagan pa!

Amang mahabagin, patawarin Niyo po sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa!

Ngunit buti na lang ay may pinadala ng langit na hindi sumang-ayon sa pagkakonstitusyunal ng RH Law na ‘yan. Sabi pa nga ni Jinggoy sa kanyang kolum: “Magiging laganap na ang premarital sex at teenage pregnancy sa kabataan.” Oh Jinggoy, alagad ka ng moralidad!

Ano nga ba ang magiging epekto ng makasalanang RH Law na ‘yan?

Paglalaruan na ng mga kabataan ang mga condom! Ano na lang ang isasagot natin sa kanila na kung sa murang edad pa lang ay magtatanong na sila ng “What’s that, Mama?” habang nakaturo sa condom? Alangan naman ang isasagot natin ay, “That’s a balloon, Bimby”? Susmaryosep, baka palobohin pa nila ‘yun! Ang oily kaya n’un! And it’s, oh my gosh, so dirty kaya!

At pills? Hindi ba ‘yan ang iniinom ng mga beki upang lumaki ang mga dede nila? Santisima! Baka gawing gummy bears ng mga baklitang nangagarap maging Miss Universe ‘yan! Dahil dito, lalaganap na rin ang homosekswalidad sa Pilipinas. Magiging theme song nila ang kantang “Born This Way” ng isa pang kampon ng kadiliman na si Lady Gaga (o baka ‘yung bago ngunit nakakairitang “Let It Go”)! At ano? Magiging messiah nila si Vice Ganda? Magiging santo nila ang mga sumasali sa “I Am Pogay”? Jusko! Tama talaga si Miriam Quiambao sa sinabi niyang “Homosexuality is a lie from the devil!”

Magiging laganap na nga ang premarital sex (PMS) at teenage pregnancy sa kabataan. Lolobo ang mga tiyan nila Inday sa murang edad! Ayon sa 2013 Young Adult Fertility and Sexuality Study, isa sa bawat tatlong kabataang Pinoy ay naka-PMS na. Ngayong konstitusyunal na ang RH Law na ‘yan, isa pa rin sa tatlong kabataaan ang magpi-PMS; ‘yung dalawa, magiging in denial—magiging mga sinungaling!

Basahin muna ang nilalaman ng RH Law bago magbigay komento? Neknek niyo. Paglalaruan niyo lang kami sa mga terminong nakakabalinguyngoy ginamit niyo d’un. At, para saan pa? Alam naman talaga naming maysa-demonyo ang mga nakasulat d’un eh. I-record niyo ‘yung mga nakasulat d’un at i-play pabaligtad (aka backmasking), sigurado kaming makakarinig kayo ng mga mensahe mula sa demonyo!

Kaya tayo binabagyo, nililindol, at dinidelubyo ay dahil sa mga kasalanan natin eh. Ngayon, dinagdagan niyo pa ng RH Law. At ano? Diborsyo ang isusunod niyo sa listahan ng mga makasalanang batas na ‘yan? Nakalimutan niyo na ba ang Yolanda? ‘Yung lindol sa Visayas? ‘Yung flesh-eating bacteria sa Pangasinan? ‘Yung pagkanta ni Anne Curtis? Susmaryosep! Ano bang mas malakas na delubyo ang gusto niyong mangyari, ha?!

Basta, napakaimoral talaga ng RH Law na ‘yan. Ipagdadasal na lang namin ang mga kaluluwa niyo nang ‘di matulad kay Michael Jackson na Illuminati na lumalangoy na ngayon sa dagat ng apoy at nagbabagang putik sa impiyerno!


Hindi kami titigil sa pagkundena sa RH Law, neknek niyo. At araw-araw kaming magha-hashtag #PrayForThePhilippines!


-Judas DC

Miyerkules, Abril 9, 2014

Totoy Lazaro



Pagbati kaibigan!

Ako nga pala si... (hindi ko na sasabihin dahil alam kong nabasa mo na).

Una sa lahat, lubos po akong nagpapasalamat kila kuya John, kuya Judas, kuya Pedro sa pagtanggap sa akin dito (not to mention ang super sweet na si ate Juanita).

Magpapakilala ako sa inyo sa paraang alam ko at ‘di na kita papaikutin pa dahil alam ko namang kanina pa kumukunot yang noo mo sa pagtataka kung sino ako. Alam ko naman na hindi ka maniniwala kung sasabihin ko sayong yang pangalang nababasa mo ay siya ngang pangalan ko. Malamang, pseudonym ko lang yan. Pero sa tanong na ''sino'' ako?

Ako ay ikaw. Ikaw ay ako. Ako ang representasyon ng ikaw at ikaw ang repleksyon ko. Uyy nag-rhyme!

Ako po ay nagmula sa isang probinsya sa Luzon at kasalukuyan ngayong nagkukuta sa bulubundukin ng Sierre Madre kasama ang mga NPA. Pero syempre, joke lang yung huli kong sinabi. Pangkaraniwan lang din akong kabataan gaya mo. Pero di gaya mo, hindi ako kuntento sa mga bagay na alam kong nakikita mo rin pero binabalewala lang. Malikot ang mata at isip ko pagdating sa mga bagay na ganun kaya naisip kong sumali dito. Para kahit papaano marinig ang boses ko.

Nilalangaw kasi yung mga post kong ganito kahahaba sa totoong account ko. Walang taong matiyagang magbasa ng mahahaba. Batugan ang readers. Siguro sa 15 na nagla-like ng post ko, tatlo lang siguro ang nagtitiyagang magbasa hanggang sa huli. At yung 15 na yun e galing pa dun sa 20 na kaibigan kong buong pagmamakaawa ko pang minessage para lang basahin nila yung gawa ko. Kaya kapag may nagbasa ng post ko na hindi ko naman minessage at hindi ko kakilala, sobrang saya ko na. Pakiramdam ko nanalo na rin ako ng jueteng.

Ito rin kasi ang masakit na katotohanan sa mga Pilipino. Mas nalilibang pa sila dun sa mga bagay na wala namang kwenta kesa dun sa mga bagay na mas dapat pinapansin nila. Madali silang maaliw sa mga bagay na hindi naman talaga nakakaaliw. Kung sabagay, ano nga ba ang pinagkaiba ng post na "Meteor Garden na! Love itt!'' sa post na "Plant trees to save nature!'' maliban sa mas walang kwenta yung nauna? Alin ang mas tinatangkilik?

Napansin mo rin siguro na ayaw ko sa Meteor Garden di gaya mo. Ayoko rin sa KPop. Ayoko sa mga kanta ni Daniel Padilla at lalong lalo nang ayaw ko kay Justin Bieber. Lahat kasi ng nabanggit, puro nonsense. Walang ibang alam gawin kundi magpakyut.

Marami siguro senyo naiinis pa kapag naisisingit sa timeslot ng favorite niyong Meteor Garden ang 3 PM prayer nung TV station. Di ko maintindihan kung bakit may mga taong ganyan. Iniisip siguro nila na si Dao Ming Si yung ipinako sa krus at nagligtas sa kanila sa kasalanan.

Kengkoy Pinoy. Hindi ko alam kung nagtatanga-tangahan lang ba o sadyang bobo lang ang mga Pinoy. Andami daming bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin pero mas nagpapauto sila dun sa walang kwentang circus show na ginagawa ng mga mapanlinlang na tao.(most likely, POLITICIANS). Alam kong wala akong karapatang husgahan at laitin ang umiiral na sistema. Pero bilang mamamayang PILIPINO, may karapatan akong makialam. Lalo na kung alam kong may mali na. Kung lahat ng tao e nakatingin nalang sa iisang direksyon at nabubulag na sa kabila, hindi ako yung tipo na makikilingon at magpapauto narin. Eto ung prinsipyo na kung tawagin ay '' The Tenth Man''. Kapag siyam sa sampung tao e nagkaisa/sumang-ayon sa iisang ideya, trabaho ng ikasampung tao na bumaligtad/tumuligsa sa siyam na yun. Siya ung kakalabit sa siyam para magising sa isa pang ideya na mas maganda. At yun ang pinili kong maging. Ang maging ikasampu. Ikaw? Magpapabiktima ka rin ba sa mass hypnosis na nangyayari ngayon sa iba?

Ngayon siguro, kilala mo na ako. Sapat na siguro lahat ng sinabi ko para magkaroon kayo ng konting ideya sa kung sino ako at kung anong mga tumatakbo sa isip ko at sa mga susunod pang ipopost ko dito. Kung nagawa mong basahin ito hanggang sa huling salita, lubos akong magpapasalamat sa iyo. I’m looking forward sa mga taong mag-aabang ng posts ko. Wala po akong hihingiing likes ninyo. Sapat na po sa akin ung basahin niyo at pakinggan ang boses ko. Ireserba mo nalang yang likes mo para sa mga post na gaya ng ''Meteor Garden na!'' at ''Mabuhay si Justin Bieber!''

Adios amigos.

Martes, Abril 8, 2014

Meteor Garden


Hindi naman talaga ako kagwapuhan, kaya ‘wag na kayong maintriga. Hindi ko ka-level ang F4 sa mukha at pangangatawan. Hindi ako astig at napakayaman katulad ni Dao Ming Si. Hindi ako chinito katulad ni Hua Ze Lei (sobrang chinito na akala mo minsan, nagsli-sleepwalk, o sadyang lethargic lang talaga). Hindi ako matalinong tingnan tulad ni Xi Men. At ‘di rin kasing cool ni… nakalimutan ko pangalan niya dahil wala naman kasi talaga siyang kabuluhan sa istorya.

Pangit po talaga ako. Ang itim ko pa. Mas maputi pa nga ‘yung mga kilikili nila eh (in fairness, walang mga buhok—parang mga bakla). ‘Yung mukha ko, parang sinampal ng meteor at kay sarap ilibing sa garden.
***
Alam naman nating inulit na ‘yan, ngunit bumebenta pa rin. Nice kasi ang timing. Buti na lang naniwala ang pamunuan ng ABS-CBN sa iminungkahi kong sa summer dapat iere ang Meteor Garden, kasi alam kong wala namang ginagawa ang kabataan sa panahon na ‘yan kundi ang buong araw na panonood ng telebisyon, buong araw na panonood ng telebisyon, at buong araw na panonood ng telebisyon (not to mention, of course, ang pagbababad sa internet).

Tingnan mo ngayon: Kapag hapon na, binabaha na ‘yung newsfeed mo ng “OMG! Meteor Garden na!
Leche! Alam ko po kasi hindi lang po kayo ang may TV!
***
Paulit-ulit na, ngunit ‘di pa rin tayo nagsasawa. Tinatangkilik pa rin natin. Kahit alam na natin ang bawat eksena, parang first time pa rin. Parang pag-ibig.

Paulit-ulit na. Kahit ilang beses ka nang nasaktan, go ka pa rin. Kahit alam mong saan papunta—katapusan—ninanamnam mo pa rin ang bawat gunita. Ang halik, haplos, at yakap ay parang first time pa rin. Umiibig ka nang paulit-ulit hanggang matamo mo ang istorya at ending na inaasam-asam mo. Umiibig ka nang paulit-ulit. Nang paulit-ulit. Nang paulit-ulit. Ang landi mo, te!

Ngunit minsan, gan’un nga lang talaga. Kahit ilang beses mong ulit-ulitin ang panonood ng Meteor Garden, madadapa lang ‘yan palagi si Shan Cai at gugulong pa rin sa daan ‘yung mga dalandan. Kahit ilang beses mong panoorin ang Titanic, babangga pa rin ‘yun sa iceberg. Kahit ilang beses mong panoorin ang Ghajini, hindi mo pa rin maiintindihan kung walang subtitles. 

Ngunit nasa perspektibo pa rin ‘yan. Masalimuot man ang pag-ibig, aba’y hindi pa rin nawawala ang paniniwala natin sa happy endings. Naniniwala pa rin tayong mahahanap natin ang taong nakatakda sa atin. Sabi pa nga ni Max Ehrmann: “Neither be cynical about love, for in the face of all aridity and disenchantments, it is as perennial as the grass.”
***
Summary: Nabubuhay tayong mga tao upang umibig (lumandi, in your case). At upang kumita ang mga istasyon sa TV.

Kthanksbye.


Judas DC

BBQ


Napaka-busy ng araw na 'to: whole day nanood ng TV, natulog kaninang 5 PM, at ngayon lang nagising. Ang productive ng summer!

Diretso kusina. Wala nang ulam, leche. So, lumabas ako at bumili ng ulam. Gusto ko sanang de lata na lamang ang ulamin, ngunit napag-isip-isip kong panay de lata ako noong mga nagdaang linggo nang nasa boarding house pa ako. Kung kakain pa ako ng sardinas, corned beef, beef loaf, o kung anuman ngayon, baka hindi na dadaan sa decomposition stage ang bangkay ko pagdating ng panahon dahil babad na sa preservatives.

So, bumili na lang ako ng barbecue sa kanto. Naghintay maluto. Ang tagal, parang paghihintay sa true love ko. #acheche

Nang matapos nang pausukan ni Ale, binalot niya agad. Nagbayad agad ako ng 45 pesos inclusive of 12% VAT.

Pagdating sa bahay, nagulat ako sa nang makita ko ang nilalaman ng supot. Tinanong ko 'to sa sarili ko:

ALENG NAGLUTO NITO, 'YUNG TOTOO, BARBECUE BA 'TO O CARCINOGEN? MUKHA NANG ULING, LECHE!

Iniwasan ko ngang makakain ng preservatives, ngunit kumain naman ako ng carcinogens na papatay sa akin. Mabubulok talaga ang bangkay ko nito.

Kthanksbye.


Judas DC

Diary ng Baluga



Hindi ko kayang itago ang nakausling punyal na malalim na nakabaon sa aking dibdib. Sa kabilang dako naman, hindi ko alam kung paano hindi gawing sitcom ang aking nararamdaman.

Sa aking pagninilaynilay habang nakikipag-jammin' sa bulubundukin ng Himalayas kasama ang Dalai Lama, napag-isip-isip ko na ang buhay ay sadyang maikli lamang. Wala bang originality? Alam ko marami nang nakapag-isip ng ganito habang sila ay nagyoyoga sa inodoro o di kaya'y sumasayaw ng mga kagimbal-gimbal na dance steps habang nagshoshower sa saliw ng musika ng sexbomb, pero nais ko pa ring ibahagi ang aking mga perspektibo ukol sa buhay ng tao. Wala kang magagawa.

(Bago ang lahat nais kong magpasalamat sa Globe for their widest coverage ng free fb. Kaya lipat na!)

Ibabalangkas ko sa tatlong bahagi ang buod ng buhay-balugang tulad ko sa pinaka-obvious na paraan:

1. Kabataan 
a. Wala kang pakialam sa suot mong damit.
b. Mas importante ang laruan sa happy meal kesa sa mismong pagkain.
c. Ang "sorry" ay madaling tanggapin at madaling bitawan. 
d. Madaling magtiwala. 
e. Hindi ka concerned sa skin tone mo habang nagpapatintero, nagtutumbang-preso, nagpipiko atbp.
f. Mababaw ang kasiyahan. (With the exception of the kids na sagad sa buto ang pagka-spoiled brat)
g. Masarap mag-aral kahit kapos sa baon, dahil dati hindi lang sorbetes ang aabutin ng bente pesos mo.
h. Ang sentro ng lablayp ay nakatuon sa magulang, lalo na nung nais mong magpabili ng trending na tamagotchi.
(Sa mga igno sa tamagotchi, ito yung kaunaunahang digital pet nung paleolithic era)
j. Hindi mo gaanong binibigyang halaga ang mga bagay na hindi nakakaaliw. Tulad ng hindi mo pagpansin na walang letter "i" bago ang pangungusap na ito. Ngingiti ka. Mukha kang tanga.

2. Tinedyer

a. Pimple days.
b. Pimple days.
c. Pimple days. (Kalahati sa buhay tinedyer ko ay ang aking transformation bilang taghiwayat na mukhang tao)
d. Algebra. (Sino ba ang makakalimot sa asignaturang hindi makamove-on sa paghahanap sa nawawalang "x"?)
e. Pers kras. Kilig moments. JS prom. (Mga hindi pa nagbobloom na landi)
f. Ang nakakapikon na kutya ng mga kaklase. (Pero aminin mo, nakakamiss pa rin ito)
g. Mga impluwensya ng barkadang nagfafasting tuwing tanghalian para makapagdota kapag uwian. (Good old days)
h. Mga unsolved mysteries kung saan kahit wala kang pera, may nagaganap pa ring lakwatsa.
i. HS Graduation day. College entrance exams. College years(a.k.a. Terrorism).
j. Mga break-ups ng mga premature gerpren/boypren dahil sa LDR(a.k.a. Di matagong landi). 

3. Adulthood
(Defensive Note: hindi pa ako gan'un katanda)
a. Lagi kang walang pera kahit payday naman.
b. Midlife crisis (In my case, mid of midlife crisis). 
c. Mas pipiliin mong matulog kesa maglakwatsa tuwing Sabado at Linggo.
d. Dito lumalabas ang totoong landi sa buhay ng tao. Yung tipong qualified bilang capital sin.
e. Unti-unti mong nakikita ang katotohanan ng kasamaan ng mundo.
f. Nauunawaan mo kung bakit ayaw ng magulang mong magkarelasyon ka nung hayskul.
g. Naiinis ka sa mga landian posts at in-a-relationship status ng mga dose anyos.
h. Mas naniniwala ka sa mga sinasabi ng magulang ng mga disney characters.
i. Mas mahirap na harapin ang reyalidad.

Lahat ay dadaan sa kamusmusan, ngunit hindi lahat nabiyayaan ng maraming karanasan kung kaya't ang buhay ay dapat pahalagahan, sapagkat iisa lang ang ating patutunguhan. Lahat tayo ay siguradong mamamatay; lahat tayo ay siguradong masasaktan habang nabubuhay. No exceptions. Ngunit, dapat patuloy tayong magmahal dahil, bukod sa scientific explanations, ito ang natatanging malakas na pwersang nagpapa-ikot sa mundo. 

"Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It does not dishonor others, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrongs. Love does not delight in evil but rejoices with the truth. It always protects, always trusts, always hopes, always perseveres. Love never fails...." (1 Corinthians 13:4-8 NIV)

Matagal bago ko ito lubusang maunawaan pero sa ngayon masaya ako dahil binigyan ako ng pagkakataong maintindihan ang bahaging ito ng aking buhay. 

Wakas.

P.S. Hindi po ako makakapagbabad sa internet tulad ng dati, nagsisintimiyento lang talaga ako minsan kaya hindi ko kayang hindi icapture ang mga nasa utak ko ngayon. For documentation purposes, bagong requirement kasi ni Henares para exempted ka daw sa tax, kaya kinakailangan kong gawin ito.

Maraming salamat nga pala sa mga makatang gangsta na patuloy sa pag-aliw sa inyo. O siya, kukunin na daw ng Dalai Lama ang Iphone6 niya, hindi na naman ako makakapagfree fb. Tsk. Hanggang sa muli! Paalam!

John DC